LEGAZPI CITY -Ibinahagi ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman ang pagtanggi sa pagpirma bilang co-author ng panukalang Bayanihan 3 bilang tulong sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Katwiran ni Lagman sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na maganda sana an nilalayon ng panukalang batas subalit ang problema ay wala namang mapagkukunan ng pondo ang pamahalaan para dito.
Diin nito na bakit aniya magpapasa ng panukalang batas na layuning makapagbigay ng ayuda kung pagdating ng oras ay wala namang pondo na nakalaan para dito lalo pa’t hindi naman nagbibigay ang national treasury ng certification para sa available fund.
Kung maaalala isa sa mga tinitingnan upang magkaroon ng pondo ang Bayanihan 3 ay ang pagbebenta ng mga government assets.
Subalit naniniwala si Lagman na may pondo ang pamahalaan dahil may mahigit P3-trillion na nakuha ang Bureau of Treasury mula sa pag-utang sa domestic borrowings.
Idagdag pa ang pondo na nakuha sa foreign loans and grants kaya ang tanong aniya ay kung bakit ayaw itong gamitin ng gobyerno para sa COVID-19 response upang matulungan ang mga displaced workers at mga bumagsak na industriya at negosyo.