LEGAZPI CITY – Plano ng isang mambabatas na bumuo ng house resolution upang maimbestigahang ang milyong-milyong sahod ng mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ayon sa mga report, sumasahod si Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr. ng P35.479 milyon noong 2023 at pumalit ki dating Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla na sumahod ng P34.17 million noong 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, maituturing na isang malaking eskandalo ang milyong-milyong sahod ng naturang matataas na opisyal ng gobyerno.
Nakakahiya rin aniya ito kumpara sa sahod ng mga guro na umaabot lang ang entry-level ng public school teacher sa P402,000 bawat taon habang ang entry-level sa gobyerno ay P206,000 kada taon na sobrang layo sa P35.48 million na kinikita ng matataas na opisyal ng gobyerno kada taon.
Binigyang diin pa nni Castro na kuwestiyonable rin kung talagang nagagampanan ng maayos ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang kanilang mandato partikular na ang pagpapababa sa presyo ng mga bilihin.
Dahil dito, target din ng mambabatas na masuri ang trabaho ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan upang malaman kung bakit milyon-milyong ang sahod na natatanggap.