LEGAZPI CITY-Isang lalaki ang patay matapos tamaan ng kidlat sa Old Port, Purok-1, Brgy. Bigaa, Legazpi City ngayong hapon, Setyembre 21, 2026.

Nangyari ang insidente bandang alas 3:30 ng hapon at ang biktima ay kinilala bilang isang studyante, 27-anyos, na residente ng San Isidro, Sto. Domingo, Albay

Natanggap umano ng Legazpi City Police Station ang report patungkol sa insidente at nang inspeksyunin ang lugar, namataan ang biktima na nakahandusay malapit sa seawall, na kumpirmadong tinamaan ng kidlat.

Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay pumunta upang mangisda lamang sa old port sa nasabing barangay kasama ang kaniyang mga kaibigan, ngunit bigla umano itong tinamaan ng kidlat, dala ng masamang panahon sa rehiyon, kung saan patuloy ang pag-uulan na may kasamang pagkulog at kidlat.

Agad naman umanong dinala ang biktima sa ospital, ngunit wala na umano itong pulso at idineklarang dead on arrival na.

Nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang mga otoridad upang maipaalam ang insidente sa pamilya ng biktima.

Samantala, nagpaalala ang Legazpi City Disaster Risk Reduction & Management Office na makakaranas ngayong araw ng malalakas na kulog at kidlat ang syudad.

Kung kaya ay pinagiingat naman ang publiko at inaabisuhang gawin ang mga sumusunod na safety measures: Pumasok muna sa loob ng bahay o sa ano man na ligtas na gusali; Kung nasa labas, huwag lumapit sa mga anyong tubig o matataas na puno o istraktura; Iwasan muna gumamit ng mga appliances na nakakabit sa kable ng kuryente.