LEGAZPI CITY-Natagpuan ng mga otoridad ang isang inabandonang sanggol sa gilid ng kalsada sa San Andres, Catanduanes.


Nakabalot umano ang sanggol ng T-shirt at Kapote kung saan nakakabit pa rito ang umbilical cord o pusod nito.


Ayon kay Catanduanes Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Emsol Icawat sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na isang concerned citizen ang nakakita sa sanggol habang kinakahol ng aso sa gilid ng kalsada at agad namang ipinagbigay alam sa barangay officials upang makatawag ng rescue.


Nagkataon rin na nasa bayan ang kanilang Patrolwoman na si Shiela Mae Rodriguez na naka-asign sa San Andres para magsagawa ng report sa Catanduanes Police Provicial Office.


Dito na, aniya, nireppondihan at napadede ang sanggol dahil isa ring nanay ng isang taong gulang si Patrolwoman Rodriguez.


Sa ngayon malusog at nasa maayos na ang sanggol sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office.


Samantala, umani ng magagandang komento mula sa madla ang ginawa ng Patrol woman mula sa kanilang himpilan na itinuturing bilang nakakataba ng puso at isang kabayanihan.


Patuloy rin ang isinasagawang back tracking ng CCTV footages sa lugar para makita kung saan galing at kung sino ang may gawa nito.


Paalala naman ng opisyal sa mga taong dumaranas sa ganitong pagbubuntis ay huwag silang matakot na humingi ng tulong sa mga otoridad.