LEGAZPI CITY – Patok ngayon ang ilang mga programa na ipinapatupad sa Barangay Concepcion sa bayan ng Virac, Catanduanes kasunod ng paglalagay ng “chill room” para sa mga senior citizens sa gitna ng mataas na heat index.

Sa panayam ng Radyo Legazpi kay Kapitan Anthony Arcilla, sinabi nitong maraming senior citizens at mga residenteng may karamdaman ang dumadaing dahil sa matinding init ng panahon kaya nagpasya silang buksan ang isa sa mga kwato ng barangay hall.

Bukas ang barangay hall simula alas-11 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para sa mga nakakayanda upang makapagpahinga at makapag-relax sa naturang chill room.

Maliban sa air conditioned na kwarto na makakatulong upang maibsan ang init ng panahon ay naghanda rin ang barangay ng telebisyon na mapaglilibangan ng mga senior citizens.

Dagdag pa ni Arcilla na libre rin ang meryenda sa naturang kwarto na mismong ang barangay officials ang nagluluto.

Aniya, nakabantay rin ang barangay health workers upang regular na ma-monitor ang kalusugan ng mga senior citizens.