The August Twenty-One Movement hopes that their second Trillion Peso March will have good results especially with the current legislative body, the Office of the Ombudsman and the Independent Commission for Infrastructure (ICI).

LEGAZPI CITY – Umaasa ang August Twenty-One Movement na ang kanilang ikalawang Trillion Peso March ay magkakaroon ng magandang resulta lalo na sa kasalukuyang legislative body, Office of the Ombudsman at ang Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay August Twenty-One Movement Spokesperson Gerwin Ferreras sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, malinaw ang kanilang kahilingan sa Office of the Ombudsman na sampahan ng kaso ang mga natukoy na sangkot sa pagnanakaw ng pondo ng bayan.

Hinimok din niya ang ICI na ilantad ang mga umano’y bagong mukha lalo na ang mga mas malalaking personalidad kaysa sa mga naunang naaresto.

Aniya, dapat ding ipasa ng mga mambabatas ang matagal nang hinahangad na Anti-Political Dynasty Bill at unahin ang interes ng mga Pilipino kaysa sa mga taong ginagawang negosyo ang politika.

Sinabi ng opisyal na kung matutugunan ang lahat ng kanilang mga kahilingan, magiging maganda ang legasiyang iiwan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nanawagan si Ferreras sa publiko na suportahan ang kanilang mga pagsisikap na mapabuti ang kasalukuyang sistema ng bansa sa pamamagitan ng hindi paggamit ng karahasan.