LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng isa sa mga mga impeachment prosecutors sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na ang impeachment ay isang political exercise at ginagawa lamang nila ang kanilang mandato.

Ang 11 na mga impeachment prosecutors ng Mababang Kapulungan ay makakasama ng prosecution panel sa Senado oras na magsimula na ang pagdinig sa naturang kaso.

Ayon kay Ako Bicol Partylist Representative Jil Bongalon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na bago sila pumirma sa naturang impeachment complaint ay napag-aralan ng mabuti ang grounds ng reklamo laban sa bise presidente.

Kumpiyansa ang mambabatas na batay sa hawak nilang mga ebidensya ay magagawang makumbinse ang prosecutors ng Senado lalo pa at ‘number games’ umano ang magiging basehan upang mapagdesisyunan ang pagpapatalsik sa pangalawang pangulo.

Samantala, dahil sa pag-adjourn ng Senado ay posibleng sa pagtatapos na umano ng May 2025 elections masimulan ng Mataas na

Kapulungan ang pagdinig sa impeachment complaint.

Hindi rin inaalis ni Bongalon ang posibilidad na tumawid na sa 20th Congress ang magiging proseso ng pagdinig dahil sa halalan.

Hangad naman nito na hindi magpadala ang mga senador sa sentimiyento ng publiko dahil mayroong merito ang kanilang mga ebidensya.