LEGAZPI CITY – Patay ang isa habang tatlong pulis pa ang sugatan sa nangyaring ambush ng pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. San Isidro, Jovellar, Albay.

Kinilala ang nasawi na si PCpl. Emerson Belmonte habang ginagamot na sa ospital ang tatlong iba pa na sina PCpl Marlon Beltran, Pat Roy Resurreccion at Pat John Mark Paz.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Millard Bongalon, hepe ng Jovellar PNP, nagpapatrolya umano ang tropa ng Albay First Provincial Mobile Force Company dakong alas-5:00 kaninang madaling-araw nang paputukan ng nasa 20 mga rebelde.

Una na umanong nakatanggap ngtimpormasyon ang tropa sa presensya ng mga armadong grupo sa lugar kaya’t nagsagawa ng regular na Internal Security Operations.

Naniniwala si Bongalon na matagal nang nakaposisyon sa mataas na bahagi ng lugar ang mga rebelde habang minamanmanan ang mga nagpapatrolya.

Magulo umano ang damuhan kung saan pumosisyon ang mga suspek at may ilang naiwan pang kinainan ng mga ito.

Nagpapatuloy naman ang hot-pursuit operation sa kasalukuyan sa mga naturang suspek.

PCapt. Millard Bongalon, hepe ng Jovellar PNP