LEGAZPI CITY – Pinuri ng United Nations Development Programme ang ipinalabas na Heat Index Warning Criteria ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na magiging gabay para sa suspension ng klase at trabaho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Public Safety and Emergency Management Office Head Dr. Cedric Daep, tumawag at nakausap niya mismo ang assistant secretary general ng United Nations Development Programme upang pag-usapan ang impact ng El Niño sa lalawigan at ang tungkol sa ginawa na Heat Index Warning Criteria.
Inamin aniya ng naturang opisyal na ito ang unang pagkakataon na makakita ng naturang criteria at humingi rin ng kopya.
Maging ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay nagpahayag ng interes sa pag-adapt ng Heat Index Warning Criteria.
Ayon kay Daep, pag-aaralan ng state weather bureau na maipatupad ito nationwide subalit tiyak na may gagawin pa na improvement dito dahil ginawa lang para sa provincial level.
Samantala, nilinaw ng opisyal na ang tanging datos lang mula sa state weather bureau ang pinagbabasehan ng Albay Provincial Government sa pagpapatupad ng suspension ng klase at trabaho sa lalawigan sa gabay ng ipinalabas na criteria.