LEGAZPI CITY – Ilalabas na umano ngayong linggo ang initial findings sa isinasagawang imbestigasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) patungkol sa nangyaring plane crash sa Calamba City, Laguna.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CAAP Media Communications head Eric Apolonio, nasa area na ang mga tauhan ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board para sa ilang proseso ng pagsusuri.
Kabilang sa mga nilalayong matukoy ng mga ito ang lagay ng panahon bago mangyari ang insidente, pagdecode sa na-recover na flight data recorder, reconstruction ng parts ng 11-seater medical evacuation aircraft at account ng mga nakasaksi.
Titiyakin rin aniya ang worthiness ng small plane bago lumipad maging ang background ng ilan sa mga crew.
Nilinaw naman ni Apolonio na aabutin pa ng ilang buwan ang paglabas ng final evaluation report sa nangyari lalo na’t nakatakdang ipadala sa ibang bansa ang nakuhang recording equipment para sa eksaminasyon.
Matatandaang pabalik na ng Maynila mula sa Dipolog City ang small plane upang maghatid ng pasyente nang magkaaberya sa paglipad at magcrash malapit sa isang resort sa Calamba na ikinasawi ng siyam na sakay kabilang ang piloto at co-pilot.