LEGAZPI CITY – Pumalo na sa mahigit P688.7 million ang initial damage assessment na naitala sa mga lalawigan ng Bicol dulot ng Bagyong Quinta.
Batay ito sa talang isinumite ng iba’t ibang provincial disaster risk reduction and management offices sa Office of the Civil Defense (OCD) Bicol na ibeberipika pa rin ng mga kaukulang ahensya na nakakasakop.
Sa bayan pa lamang ng Libon sa Albay, nasa higit P307 million na ang pinsala sa agrikultura habang sa island province naman ng Catanduanes, umabot sa higit P59 million ang pinsala sa kaparehong sektor at nasa P1.8 million na danyos sa government-owned buildings.
Sa Sorsogon bukod sa una nang naiulat na higit P26 million na pinsala sa elektrisidad at flood control, nadagdagan pa ito ng higit P60.9 million sa agriculture sector.
Maging sa fishery at agriculture sector ng Camarines Sur na nasa higit P225 million ang iniwang pinsala ni Quinta.
Ilang national roads rin ang nagtamo ng pinsala sa ulat ng Catanduanes at Masbate district engineering offices na tinatayang aabutin ng P8.4 million.
Sa kabilang dako, naghahanda na rin ang mga residente at disaster management officials sa Bicol sa posibleng epekto ng nabuong tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na tatawaging Rolly kung pumasok na sa teritoryo ng bansa.