LEGAZPI CITY-Patay ang Indian national at barangay kagawad matapos na pagbabarilin ng suspek na pulis sa Barangay Maporong, Oas, Albay.
Kinilala ang mga biktima na sina Barangay Kagawad Marlon Encabo Rebusquillo, 43 anyos, at ang Indian national na si Parmindes Singh.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Malou Calubaquib an tagapagsalita ng PNP Bicol, unang naiulat na nakidnap ang biktimang Indian national sa Polangui kung saan suspek ang pulis na si PCpl Bryan Aguilar na miyembro ng Polangui Municipal Police Station at half brother nito na si Raymond Isaac Salanga.
Hanggang sa sunod na makita ang suspek na pulis at biktima na lulan ng puting kotse na nahulog sa palayan ng barangay Maporong.
Sa nasabing insidente, sinubukang rumesponde ni Kagawad Rebusquillo na nagpakilala at nakipag-usap kay Aguilar, subalit pinagbabaril ng pulis.
Matapos ang insidente, agad na tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo ng biktimang kagawad.
Nakapagresponde naman sa lugar ang PNP na nakadiskobre sa katawan ng Indian national at barangay kagawad kung kaya agad na itinakbo sa ospital subalit parehong ideneklarang dead on arrival.
Matapos ang ilang oras, naaresto si Aguilar ng bumalik sa pinangyarihan ng insidente at makita ng mga pulis.
Sa isa namang operasyon sa Polangui, naaresto rin ang isa pang suspek na si Salanga.
Sa ngayon parehong ng nakakulong ang dalawa na nahaharap sa kasong double murder habang patuloy ang imbestigasyon ng PNP upang malaman ang buong detalye sa insidente.