LEGAZPI CITY – Maigting ang ipinatutupad na pagbabantay sa seguridad ng Incident Management Team sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng pagdating sa karagatang sakop ng Albay ng tug boat at barge na lulan ang 11 crew na positibo sa COVID-19.

Kaninang madaling-araw nang mamataan na nakaangkla sa municipal waters ng Sto. Domingo, Albay ang MV TUG Clyde at Barge Claudia, mas maaga sa inasahang oras ng pagdating nito.

Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) Bicol information officer Gremil Naz sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, maging ang PNP at ilang tauhan ng lokal na gobyerno ng Sto. Domingo para sa pagbibigay-seguridad.

Kagabi pa naka-preposition ang mga ito gayundin ang mga resources.

Naabisuhan na rin ang mga lokal na mangingisda at iba pang residente na iwasan ang paglapit at tangkang pag-usisa sa naturang mga sasakyang-pandagat.

Kung babalikan mula sa naunang ulat na 12 crew na nagpositibo, nakumpirma na isa sa mga ito ang bumaba na sa Butuan City.

Magpapatuloy naman ang pag-quarantine ng iba pa habang nasa karagatang sakop ng Albay at hindi papayagang bumaba depende na lamang sa kondisyong pangkalusugan ng mga ito.