LEGAZPI CITY – Labis ang kasiyahan ni Chanda Trangia, ang ina ng 3-time Palarong Pambansa Gold Medalist na si Courtney Jewel Trangia, sa pagkapanalo nito ng unang gintong medalya ng rehiyon sa Discus Throw Secondary Girls.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa kaniya na hindi nila inaasahan ang pagkapanalo ni Jewel dahil sa posibilidad ng malakas na kalaban mula sa ibang powerhouse regions.
Aniya, maraming karangalan ang naiuwi ng kanyang anak, hindi lamang sa rehiyon ng Bicol kundi maging sa Pilipinas dahil nananalo rin ito sa mga international competetion.
Ang pagsasanay na isinagawa ng Masbate Sports Academy ay nakatulong din kay Jewel para pagtuunan ng pansin ang mga pambato ng kanilang lalawigan sa nasabing laro.
Sinabi din sa kanya ni Jewel na ito na ang huling bes na maririnig niya ang hiyawan ng kanyang mga tagasuporta sa Palarong Pambansa dahil ga-graduate na siya ng high school.
Tinutulungan din ng atleta ang kanyang mga kapatid at nakabili na rin ito ng tricycle dahil sa mga incentives na kasama ng mga medalyang napapanalunan niya.
Ang mensahe ni Nanay Chanda kay Jewel ay manatiling naka-apak ang paa sa lupa, huwag magbuhat ng sariling bangko, maging mapagkumbaba, maalaga, disiplina sa sarili at huwag matakot na pumasok sa bagong yugto ng kanyang buhay kolehiyo.