Lumutang ngayon ang posibilidad ng pagkakaroon ng reserved witness kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Impeachment Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., sinabi nito na sa ilalim ng impeachment rules, hindi dapat nagkakaroon ng reserved witness dahil kailangan na nakalista na ang mga ito kabilang ang ebidensya sa pre-trial pa lamang.
Dapat aniya na naka-disclose na ang lahat sa korte.
Subalit mayroon umanong dalawang pagkakataon kung saan nagkakaroon ng exception kung hindi naisama sa pre-trial ang isang testigo.
Una ay ang ‘security reasons’ kung saan hindi muna gustong mailahad ang pagkakakilanlan ng testigo dahil sa banta sa seguridad.
Kaugnay nito ay iginiit ni Atty. Tolosa na kailangan na mapatunayan na lehitimo ang isyu sa seguridad.
Sa kabila nito ay kinakailangan umano na tatlong araw bago pa man i-presenta sa hukuman ay batid na ng kabilang panig ang pagkakakilanlan ng naturang testigo.
Ikalawa naman ay kung ang pagkakakilanlan ng isang indibidwal na magsisilbing reserved witness ay hindi pa nababatid sa panahon ng pre-trial o kung hindi pa batid na mayroong ganoong klase ng ebidensya.











