LEGAZPI CITY – Tambak pa rin ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa gilid ng mga kalsada sa lungsod ng Legazpi sa gitna ng paulit-ulit na paalala at hakbang na ikinakasa ng mga awtoridad upang mawala na ang mga road obstructions.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Andy Marbella, Head ng Task Force Kasyusan at Kalinisan sa Legazpi, pabalik-balik pa rin ang problema sa illegal parking sa lungsod.
Sa katunayan, mula Enero ngayong taon hanggang sa kasalukuyang buwan mahigit na sa 200 na mga sasakyan ang naisyuhan ng citation ticket.
Ayon kay Marbella, kapag umaalis na mga otoridad balik na naman sa dating gawi ang mga motorista, dahil dito mas hinigpitan pa nila ang anti-illegal parking operation kung saan tini-ticketan ang sino mang mahuhuling nakaparada sa gilid ng kalsada upang mabigyan ng leksyon.
Layunin ng nasabing hakbang na malinis ang mga kalsada, lalo pa’t maging ang mga tricycle umano ay hindi na makadaan sa outerlane dahil sa halos matakpan na ang daan ng mga nakaparadang sasakyan.
Aniya, lalo na ngayong panahon ng tag-init at malimit na nagkakaroon ng sunog, importanteng walang obstruction sa mga kalsada upang malayang makadaan ang mga fire truck sakaling mayroong kailangang respondehang sunog.
Sa ngayon, hinihingi ni Marbella ang pang-unawa at kooperasyon ng publiko dahil para naman umano itp sa ikabubuti ng lahat