LEGAZPI CITY – Sunod-sunod na aksidente sa kalsada ang naitala sa bisperas ng Pasko sa bayan ng Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SFO1 Daryl Guinan, team leader ng Special Rescue Force ng Bureau of Fire Protection Pilar, nasa tatlong vehicular accident ang nirespondihan bago pa man ang mismong araw ng Pasko kung saan dalawa sa Pilar at isa sa bayan ng Castilla.

Subalit inamin nito na pahirapan ang isinagawang pagresponde sa nangyaring aksidente sa Castilla kung saan sangkot ang isang motorsiklo at 10-wheeler truck.

Ito ay matapos na mag-overshoot o masalpok ng motorsiklo ang kasalubong na truck habang nasa pakurbadang bahagi ng kalsada o tinatawag na dangerous curve.

Pumailalim ang rider sa kabanggaan na truck at naipit ang paa sa gulong kung saan pahirapan ang mga rumesponde sa pagtanggal.

Habang ang backride naman ng biktima ay agad na dinala sa ospital, subalit dead on the spot ang rider dahil sa matinding sinapit.

Mariing paalala ng opisyal sa mga motorista na magtriple ingat at tiyaking nasa kondisyon ang sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang mga katulad nitong aksidente.