Maaring manalo ng limpak-limpak na salapi sa lotto ang sinoman, magpabakuna lamang laban sa COVID-19.

Ito ang inilunsad na estratehiya ng ilang US states matapos na makita ang bumabagal na vaccination rates.

Sa New York, inanunsyo ni Gov. Andrew Cuomo makakakuha ng ticket ang sinomang adult na nabakunahan sa alinmang vaccination site ng estado mula Mayo 24 hanggang Mayo 28. Makakapag-uwi ng mula $20 hanggang $5 million para sa jackpot prize.

Nabatid na nakapagtala ang lugar ng 43% decline sa mga nais magpabakuna.

Inihayag naman ni Maryland Gov. Larry Hogan na may 30 draws na nakatakda sa susunod na anim na linggo kung saan $40,000 ang maaring mapanalunan sa bawat araw sa mga residente na bubunutin sa random selection mula Mayo 25 hanggang Hulyo 3. Kabuuang $2 million ang nakalaan para rito.

Kasabay naman ng pagdiriwang ng US Independence Day sa Hulyo 4 ang anunsyo ng jackpot prize winner na mag-uuwi ng $400,000.

Kwalipikado sa lottery ticket ang 18-anyos pataas na nabakunahan na.

Limang katao naman sa bawat linggo ang mananalo ng $1 million sa lottery draws sa Ohio, batay sa anunsyo ni Ohio Gov. Mike DeWine.

Kakaiba man ang estratehiya, ipinagpapasalamat nito ang 28% “dramatic increase” sa mga nais magpabakuna

Sa mga susunod na araw, posibleng maglunsad ng mas maraming lotto, depende sa magiging pagtanggap dito ng mga tao.

Bukod sa mga US states, nag-aalok rin ng insentibo ang mga paaralan at business establishments mula sa libreng pagkain hanggang sa discount sa matrikula upang mahikayat ang iba na magpabakuna na rin.