Some Bicol University students questioned Vice President Sara Duterte's announcement that she will run for president in the 2028 elections.

LEGAZPI CITY – Kinuwestiyon ng ilang estudyante ng Bicol University ang anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya bilang pangulo sa 2028 elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, diretsahang sinabi ni Jameelah Marfil na hindi niya naramdaman ang presensya ng opisyal bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas at mayroon pa rin siyang lakas ng loob na tumakbo bilang pangulo.

Gayunpaman, sinabi niyang maaaring ginawa ito ng Pangalawang Pangulo para lamang sabihin na siya ay pinupulitika ng mga gustong isulong ang nakabinbin na impeachment complaint laban sa kanya.

Bilang mga iskolar ng bayan, nag-aalala rin siya sa kanilang kinabukasan dahil ang trabaho ng isang Pangulo ay hindi madali ngunit nasa mayorya ng botante pa rin ang desisyon kung iluloklok siya sa pwesto.

Sinabi ng naturang estudyante na kung magkakaroon siya ng pagkakataong makausap si VP Sara, prangka niya itong tatanungin kung bakit at saan siya kumukuha ng lakas ng loob na tumakbo bilang pangulo sa kabila ng mga impeachment complaints laban sa kanya.

Naniniwala rin si Marfil na dapat isipin na ngayon ng mga botante kung sino ang kanilang iboboto upang hindi nila pagsisihan kung sakaling mapunta sa maling landas ang ating bansa pagkatapos ng 2028 presidential elections.