LEGAZPI CITY – Sinisisi ng Makabayan bloc ng Kamara ang patuloy na diskriminasyon na nangyayari sa Pilipinas kung kaya bumagsak ang rankings ng bansa sa 2024 World Gender Gap.
Base sa pinakahuling Global Gender Gap Report, nasa ika-25 pwesto na lamang ang Pilipinas mula sa dating rank 16 noong taong 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel, wala pa ring batas sa bansa na nagbibigay ng proteksyon laban sa diskriminasyon sa ibat ibang mga kasarian.
Ito umano ang dahilan kung bakit isinusulong ngayon ng Makabayan Bloc ang Sexual Orientation and Gender Identity or Expression o SOGIE Equality bill upang matigil na ang mga panghaharass na pinagdadaanan ng mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, and transgender at gayundin sa mga kababaihan.
Isinusulong rin sa Kongreso ang Divorce bill na makatutulong umano upang makaalis na ang mga kababaihan mula sa mapang-abusong relasyon, at ang Adolescent pregnancy prevention bill laban naman sa maagang pagbubuntis.
Panawagan ni Congressman Manuel kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na sertipikahan na urgent ang nasabing mga bill upang mabigyan ng pantay na opurtunidad ang lahat ng kasarian sa bansa.