LEGAZPI CITY—Inilikas na ang ilang residente sa bayan ng Pioduran, Albay dahil sa pagbabaha na dulot ng malakas na pag-ulan sa lugar na dala ng hanging habagat.


Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Pioduran Head Noel Ordoña, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahigit 267 pamilya o binubuo ng 982 katao mula sa mga coastal barangay gaya ng Barangay II, Barangay III, Banawan, Barangay IV, Barangay I ng nasabing bayan ang kanila nang inilikas.


Dagdag pa ni Ordoña, inilikas din ang nasa 36 na pamilya na mula sa mga upland barangay ng naturang bayan.


Aniya, inilikas ang mga ito sa mga barangay hall, evacuation center gayundin sa ilang pribadong tahanan.


Sinabi rin ng opisyal na hinihintay pa nila ang tulong na ipapamahagi sa mga lumikas na residente.


Samantala, nasa state of imminent emergency ang Pioduran dahil umabot na sa isang linggo na walang kabuhayan ang mga mangingisda, fish processor at fish vendor dahil sa masamang panahon.