LEGAZPI CITY-–Umabot na sa mahigit 674 na mga pamilya o katumbas ng 1,687 indibidwal na nasa Mayon Unit area ng bayan ng Guinobatan, Albay ang inilikas bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Ada sa rehiyon at dahil na rin sa kasalukuyang aktibidad ng bulkang Mayon.


Ayon kay Guinobatan Mayor Ann Gemma Ongjoco, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isinagawa na ang pre-emptive evacuation upang maging ligtas ang kanilang mamamayan sa banta ng lahar flow mula sa bulkan.


Aniya na inaaasahang madadagdagan pa ang naturang datos dahil ito ay wala pa sa kanilang target na bilang ng mga naililikas na mga residente.


Dagdag nito na wala silang problema sa rescue vehicles dahil sa may may naka-augment silang military truck, service ng lokal ng pamahalaan, at rescue vehicles ng mga barangay para sa pagresponde sa mga mamamayan ng kanilang bayan.


Samantala, paalala naman ng alkalde sa mga nanatili sa mga low-lying areas na lumipat sa mas mataas na lugar; tiniyak naman nito na kanilang rerespondehan ang mga residenteng nais na lumikas upang makaiwas na rin sa mga hindi inaasahang insidente dahil sa naturang sama ng panahon at aktibidad ng bulkang Mayon.