LEGAZPI CITY-Ilang residente sa Barangay Taysan sa Legazpi City ang naapektuhan ng pagbaha sa kabila ng pagtatayo ng Dike sa lugar.


Ayon kay Myrna Abiño, residente ng Barangay Taysan, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na sa 28 taong na kaniyang paninirahan sa lugar, nasubaybayan rin niya ang pagpapagawa ng Dike ngunit sa kasalukuyan ay nagdudulot ito ng pagbaha na umaabot hanggang tuhod at pumapasok sa iilang mga kabahayan.


Dagdag pa ng residente na hindi naman masyadong malala ang daloy ng tubig ngunit kung sakaling bumuhos ang malakas na ulan, naiipon ang tubig sa dike na nagreresulta sa pagbaha dahil sa maliliit na daluyan ng tubig dito.


Aniya, ipinatayo ang Dike noong 2019 pa at natapos noong 2021.


Inaasahan din ng mga residente sa kanilang lugar na magkaroon ng malalaking daluyan ng tubig ang Dike upang mabawasan ang pagbaha sa kanilang lugar.


Dagdag pa ng residente, maganda ang pagkakagawa nito noon ngunit hindi ito sapat dahil kung minsan barado ito dahil na rin sa mga lupa at basura sa daluyan mismo ng tubig.

Nananawagan din ang mga residente sa gobyerno na bigyang pansin ang proyekto at gumawa ng malalaking daluyan ng tubig upang maiwasan ang pag-apaw ng tubig sa dike gayundin ang pagbaha sa kanilang lugar.