LEGAZPI CITY – Naghatid na ng paunang tulong ang ilang kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa mga residente na naapektuhan ng Magitude 6.6 na lindol sa Masbate.
Ikinarga at ibiniyahe na patungong Pio V. Corpuz ang nasa 150 Family Food Packs bilang augmentation support sa lokal na pamahalaan.
Anim na pamilya naman mula sa Barangay Malobago, Cataingan ang nabahaginan na ng tig-P5,000 matapos na mawalan ng tirahan sa lindol, sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS).
Samantala, naghatid naman ng psychosocial support ang Philippine Red Cross Masbate Chapter sa Sitio Senorita, Poblacion, Cataingan para sa mga pamilyang inilikas sa Cataingan National High School.
Subalit apela pa rin ng mga residente ang agarang tulong para sa mga tarpaulin na magiging pansamantalang bubong, tents para sa naapektuhang Cataingan District Hospital, food items, shelter kits at hygiene kits.
Ilan sa mga ito ay paparating na umano ayon sa DSWD at Office of the Civil Defense (OCD) Bicol.