LEGAZPI CITY- Nagsagawa ng caravan ang ilang progresibong grupo sa lungsod ng Legazpi bilang pag-alala sa ika-52 na taon na deklarasyon ng martial law sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Malayo ito sa nakasanayan na mga kilos protesta na inilunsad sa nakalipas na mga taon.
Ayon kay Bicolana Gabriela Regional Coordinator Nica Ombao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagkaroon rin ng cultural night upang alalahahin ang lahat ng mga naging biktima ng batas militar.
Nabatid na maraming mga artists ang nakiisa sa naturang aktibidad.
Ito umano ang isa sa mga paraan upang alalahanin ang mga personalidad na nagtulong-tulong upang makamtan muli ng bansa ang demokrasya.
Iginiit ni Ombao na hindi dapat makalimutan ang madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa sa naturang panahon.
Aniya ang martial law umano ang patunay na mahalaga na patuloy na makipaglaban ang mga mamamayan para sa kanilang mga karapatan.