LEGAZPI CITY – Wala pang plano ang ilang mga Pilipino sa Lebanon na bumalik na sa Pilipinas sa kabila ng inilabas na abiso ng Embahada para sa repatriation.
Sa harap ito ng lalong lumalalang tensyon sa bansa dahil sa gantihan ng pag-atake ng mga militanteng Hezbollah at mga sundalo ng Israel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Joyce Cortez ang Bombo International News Correspondent sa Lebanon, kahit pa may mga nangyayari ng palitan ng pag-atake at dinig na ang mga pagsabog sa kanilang lugar sa Beirut, desidido pa rin ang mga Pilipino na magpatuloy sa kanilang mga trabaho.
Karamihan kasi ng mga overseas Filipino workers ay mas nangangamba sa kawalan ng kabuhayan at trabaho sa Pilipinas.
Ayon kay Cortez, pinapayohan na lamang sila ng kanilang mga amo na maging handa sa posibleng paglikas sakaling magkaroon na ng giyera.
May ilang mga Pilipino naman ang sumabay na sa repatriation at bumalik na sa Pilipinas upang makasama ang kanilang mga pamilya.
Sa ngayon ay may paminsan-minsan na rin na mga pagsabog na naririnig sa kapitolyo ng Beirut subalit tuloy pa rin ang normal na buhay ng mga residente lalo pa’t sanay na ang mga Lebanese sa ganitong sitwasyon.