LEGAZPI CITY- Nananatiling mataas pa rin ang volume ng mga pasahero sa ilang pantalan sa rehiyong Bicol.
Ayon kay Port Management Office Bicol Media Relations Officer Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kabilang sa mga ito ang Matnog port na halos doble pa rin ang dagsa ng mga biyahero kahit pa tapos na ang Semana Santa.
Sa kasalukuyan ay pumapalo pa umano sa mahigit 5,000 ang daily average ng mga pasahero mula sa dating 2,000 kada araw.
Inaasahan naman ng tanggapan na posibleng tumagal pa ang mataas na buhos ng mga biyahero hanggang sa Miyerkules.
Ayon kay Galindes na posibleng isa sa mga rason nito ay ang bakasyon ng mga mag-aaral at ang papalapit na rin na halalan kaya na-extend ang pananatili ng mga bakasyunista sa kanilang mga probinsya.
Samantala, nabatid na hindi gaanong nagkaroon ng mahabang pila ng mga sasakyan sa naturang pantalan dahil sa mabilis na biyahe ng mga barko dahil na rin sa magandang lagay ng panahon.