LEGAZPI CITY—Kasakulukuyang nananatili pa rin sa evacuation centers ang nasa 26 na pamilya o katumbas na 86 indibidwal ng Barangay Bariis, Tiwi Albay, matapos ang naitalang landslide sa lugar dahil sa naranasang pag-ulan dala ng sama ng panahon.
Ayon sa punong barangay ng lugar na si Joseph de Vera, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsagawa sila ng pre-emptive evacuation simula pa noong Disyembre 9 at hanggang ngayon ay hindi pa nakakapag-decamp sapagkat hindi pa umano ligtas na magbalik sa kani-kanilang tahanan, dahil na rin sa posibilidad ng rockslides.
Aniya, nasira rin ang isang bahay sa lugar dahil sa naturang landslide.
Base rin umano sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na nasa hazard-prone area ang mga kabahayan dito, kung saan nakadikit aniya sa kabundukan ang kanilang mga tahanan.
Dagdag ng opisyal na nakatanggap na rin ng mga food packs ang mga apektadong residentes mula sa lokal na gobyerno ng Tiwi.
Samantala, nakatakda rin silang makipag-usap sa kanilang lokal na gobyerno kasama ang mga residente patungkol sa nasabing sitwasyon.
Nananawagan naman ang opisyal sa publiko na maaari silang magpaabot ng asistensya upang matulungan ang apektadong residentes ng naturang barangay.











