LEGAZPI CITY – Mas pinili pa rin ng ilang overseas Filipino workers na manatili sa Israel sa gitna ng tumitinding kaguluhan sa bansa.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Philip Delos Santos Caragos sa Israel, walang trabaho at oportunidad na naghihintay sa Pilipinas lalo na sa mga kagaya niyang may edad na, kung sakali man na umuwi sa bansa.

Aniya, hindi tulad sa Israel na kahit matanda na ay marami pa rin na trabahong pwedeng pasukan.

Kaya kahit delikado at araw-araw nakararamdam ng takot ay mas pipiliin pa rin na manatili dahil may pamilyang binubuhay.

Gayunpaman, inihayag ni Caragos na susundin pa rin kung ano ang magiging desisyon ng gobyerno ng Pilipinas at Israel lalo na kung magpatupad ng mandatory repatriation oras na mas lumala pa ang sitwasyon.

Subalit nanindigang babalik pa rin oras na matapos na ang nangyayaring kaguluhan dahil nandoon ang oportunidad.

Sa ngayon, tanging ikinababahala ni Caragos ay ang mawala ng tuluyan ang internet dahil dahil makakapagbigay ng update sa pamilyang nag-aalala dito sa Pilipinas.