bird flu vaccine
bird flu vaccine

LEGAZPI CITY- Ibinunyag ng Philippine Egg Board Association na nakakatanggap sila ng mga ulat na mayroong ilang mga negosyante ang gumagamit ngayon ng smuggled vaccines.

Ito ay upang maiwasan o makontrol ang bird flu sa pagtama sa kanilang mga alaga.

Ayon kay Philippine Egg Board Association President Francis Uyehara sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kung hindi papabilisin ng pamahalaan ang legalisasyon ng bakuna laban sa bird flu ay posible itong magdulot ng mas malalang problema.

Aniya, dahil hindi pa available sa merkado ang bakuna laban sa sakit ay bumibili ang ilang mga negosyante ng smuggled vaccines sa mas mataas na halaga.

Paliwanag ng opisyal na malaki ang halaga ng poultry industry kaya nababahala ang iilan na oras na tamaan ng bird flu ang kanilang mga alaga ay posible itong magresulta sa pagsasara ng isang buong farm na magdudulot ng pagtigil ng operasyon.

Dahil dito ay hindi na umano makapaghintay ang ilang negosyante sa aksyon ng pamahalaan.

Dagdag pa ni Uyehara na isa ito sa mga dahilan kaya marami ang hindi na nagre-report kung tinatamaan ng sakit ang kanilang mga alaga.