LEGAZPI CITY – Ikinaalarma at ikinatakot ng mga residente ang mga nakitang pakalat-kalat na mga unggoy sa bayan ng Sto. Domingo sa Albay.

Kasunod ito ng mga ulat na nanghahabol umano ang mga naturang hayop partikular na sa mga kabataan kung saan huling biktima ang isang dalawang taong gulang na babae na sa kabutihang palad ay hindi naman nasaktan.

Paliwanag ni Albay Veterinarian Dr. Pancho Mella sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, posibleng nagsilabasan at bumaba mula sa natural habitat ang mga unggoy sa dahilang wala nang makain.

Maaari rin aniyang na perwisyo o nagambala ang tinitirhan ng mga ito kung kaya nabulabog at nagsibabaan sa bayan.

Subalit hindi naman isinasantabi ni Mella ang posibilidad na baka mga alagang hayop ito ng ilang residente na nakaalpas.

Mahigpit aniya na ipinagbabawal ang pag-alaga sa mga unggoy dahil posible nitong mahawaan ng iba’t-bang uri ng sakit ang tao.

Samantala, normal na rin aniya sa naturang hayop ang magnakaw ng pagkain sa mga kabahayan para sa survival kung wala ng mapagkukunan sa kanilang natural habitat.

PHOTO COURTESY: JHIMUS BARRIOS