LEGAZPI CITY – Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin maiwasan ng ilang mga residente na bumalik sa loob ng 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon partikular na sa Barangay Anoling sa bayan ng Camalig, Albay.

Isa si Esterlita Baria sa mga residente ng nasabing barangay na permanente nang ini-relocate sa Tagaytay relocation site sa napipilitan pa ring bumaik sa kanilang bahay na nasa permanent danger zone.

Ayon kay Baria sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kailangan nilang bumalik sa dating tinitirhan kahit pa delikado, dahil nasa loob aniya ang kanilang ikina-bubuhay kagaya ng pagtatanim ng mga gulay at malit na tindahan.

Wala umano silang aasahan kung hindi babalik sa dating lugar lalo pa’t hindi umano sakop ng ayuda na mula gobyerno ang mga inilipat na permanent relocation site, kahit pa apektado ang kanilang hanapbuhay ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Aminado naman si Baria na talagang mahirap ang kanilang sitwasyon ngayon lalo pa’tipinagbawal na muna ang pagtatanim sa loob ng permanent danger zone kung kaya’t ginagawa na lamang nila ang lahat upang maani ang natitira pang mga produkto.

Nilinaw naman nito sumusunod pa rin sila sa ipinapatupad na abiso ng pamahalaan dahil umaga lamang aniya sila bumabalik sa lugar at umuuwi naman sa relocation sites bago gumabi.