LEGAZPI CITY- Aminado ang isang grupo ng mangingisda na nakatanggap na sila ng mga ulat hinggil sa mga Pilipinong mangingisda na nagkaroon na ng phobia dahil sa tensyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas President Pando Hicap sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dulot ito ng mga paghabol at iba pang uri ng pangha-haras sa naturang karagatan.
Marami na umano ang nakakaramdam ng takot na mangisda sa West Philippine Sea subalit napipilitan pa ring magtungo sa naturang teritoryo upang mabuhay.
Paliwanag ng opisyal na walang ibang mapagpipilian ang mga ito lalo pa at kinakailangan na buhayin ang kanilang pamilya.
Dahil dito, nanawagan si Hicap sa pamahalaan na suportahan ang mga mangingisda sa kanilang mga pangangailangan.
Aniya, hindi sapat na food packs lamang ang ibinibigay sa mga fisherfolks kundi ang pagsiguro sa ligtas at malayang paglalayag.