LEGAZPI CITY- Matagumpay na naisagawa ang pagwasak ng mga apparatus at equipment sa paggawa ng iligal na droga mula sa shabu laboratory sa Barangay Palta Small, Virac, Catanduanes.
Matatandaan na nadiskubre ang naturang laboratoryo noong 2016 at nagsailalim sa mahabang panahon ng imbestigasyon.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Bicol Director Edgar Jubay sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa bisa ng court order ay inutusan ang tanggapan kasama ang Department of Justice at Philippine National Police na sirain ang naturang mga kagamitan.
Samantala, ang mga kemikal naman na ginagamit sa paggawa ng shabu ay nakatakdang i-biyahe rin patungo sa opisina ng Philippine Drug Enforcement Agency national upang mangasiwa sa disposal.
Nabatid na nahirapan umano ang mga chemist sa pag-identify ng naturang mga kemikal dahil natanggal na nag label ng mga ito dahil sa paglipas ng mahabang panahon.
Samantala, ang mismong gusali umano ng shabu laboratory ay hindi pa malinaw kung kailan gigibain dahil nagpapatuloy pa rin ang kaso.