LEGAZPI CITY – Nananatiling nasa red zone ang ilang lugar sa Albay dahil sa outbreak ng Africal Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella, nananatiling infected ng ASF ang mga bayan ng Polangui, Pio Duran, Oas at Ligao City.
Ayon pa kay Mella, aabutin pa ng tatlo hanggang apat na buwan bago maideklarang ASF-free ang naturang mga lugar.
Subalit kailangan muna na ibakante sa mga alagang baboy ang mga lugar na sakop ng 500-meter radius na tinamaan ng nasabing virus.
Maliban dito, kinakailangan rin ang regular na pag-disinfect bago maglagay ng baboy sa loob ng 42 araw at oobserbahan kung magkakaroon ng sintomas ng sakit.
Kaugnay nito kung hindi magpapamalas ng sintomas ang baboy, maaari nang ideklara na ASF-free ang isang lugar.
Ipinagpapasalamat naman ni Mella na hindi na nadagdagan ang mga lugar na tinamaan ng ASF.