LEGAZPI CITY- Nakakaranas na ngayon ng storm surge ang ilang lugar sa lalawigan ng Albay bago pa man maramdaman ang epekto ng bagyong Pepito.
Kaninang alas 6 ng umaga ay umabot na sa mga kabahayan ng coastal Barangay ng Lourdes, Tiwi Albay ang tubig sa dagat at maging sa Legazpi Boulevard ay umapaw na din ang tubig dahil sa high tide.
Ayon kay Mayor Alfredo Garbin ng Legazpi City sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inabisohan nito ang ilan pang mga natitirang residente na nakatira sa coastal area ng lungsod na lumikas na at pimunta na sa kanilang evacuation center.
Sa ngayon ay umabot na sa 137,656 ang mga evacuees sa lungsod ng Legazpi.
Samantala, inaasahan namang darating sa command center ng lungsod ang rubber boats mula sa Ako Bicol Partylist na siyang gagamitin para sa mga rescue operations.
Nanawagan naman ang alkalde na habang hindi pa nararanasan ang bagyo ay magsilikas na ang iba pang mga residente na nakatira sa mga high risk area.