LEGAZPI CITY – Binaha ang ilang lugar sa Pioduran, Albay dahil sa nararanasang malakas na buhos ng ulan mula pa kahapon, epekto ng Habagat.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pioduran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Noel Ordoña, nakapagtala ng pagbaha sa Brgy. Banawan, Marigondon, Brgy 3 Poblacion, La Medalla at Caratagan.
Sa Marigondon, nasira ang hindi pa natatapos na dike na dahilan upang dumaloy ang tubig sa palayan at abutin ang mga bahay ng ilang residente.
Malaking volume umano ang naipong tubig na mula pa sa kabundukan ng katabing-bayan ng Oas at Libon.
Umapaw rin ang Panganiran Bay kaya’t natangay ang ilang bangka at fishing gears ng mga mangingisda sa isang barangay.
Ayon pa sa ulat, isang roro vessel ang nahirapang dumaong sa pantalan sa Pioduran dahil sa lakas ng current.
Bukod sa malakas na mga pag-ulan, nakakaranas din ng mga pagkawala ng suplay ng kuryente ang ilang lugar sa bayan.