LEGAZPI CITY – Ibinunyag ni Danny Garcia, tagapagtaram ni Albay Governor Al Francis Bichara na may mga natanggap na impormasyon sa ilang indibidwal na gumamit ng hindi authenticated na mga health certificate.
Ito ay upang payagang makapasok sa borders at makauwi sa kani-kaniyang bayan o lungsod bilang Locally Stranded Individuals (LSI).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Garcia, may mga natuklasang nandaya ng dokumento.
Ito rin ang dahilan ng paglusot ng ilan na napag-alamang positibo sa coronavirus disease kinalaunan.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Garcia na mas maigi nang isailalim muna ang mga ito sa rapid test.
Samantala tinitingnan naman ni Garcia na mas mabuti nang kunin ang mga LSI habang nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) pa at may protocols na sinusunod.
Magiging pahirapan umano kung mag-“new normal” na at hindi na makokontrol ang dagsa ng mga umuuwi maging ang posibleng contact tracing kung may magpositibo.