LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni PCol. Byron Tabernilla, provincial director ng Albay Police Provincial Office na may mangilan-ngilan ng mga lokal na kandidato na humiling sa kapulisan ng police security detail.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tabernilla, para sa nasabing proseso, kailangan na maghain ng pormal na request para sa authority sa security detail.
Ganito rin umano ang proseso maging sa pagbitbit ng mga armas.
Dahil sa umiiral na election gun ban, paglabag kung hindi hihingi ng permiso bago magdala ng armas.
Naisumite na ang mga naturang request sa Commission on Elections (COMELEC) en banc at hinihintay na lamang ang magiging sagot.
Umapela rin ang opisyal sa police units ng nasasakupang lugar sa mas maigting na monitoring at security sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa halalan sa Mayo 2022.