Nagtaas ng red rainfall warning ang PAGASA DOST sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Sorsogon, Albay at Camarines Sur kasunod ng mga nararanasang malalakas na pag-ulan.
Batay ito sa latest rainfall warning advisory ng weather bureau dakong alas-11:00 ngayong umaga.
Asahan na umano ang posibilidad ng pagbaha sa mga lugar na nasa flood-prone areas at malapit sa mga ilog.
Maaari rin itong magdulot ng pagguho ng mga lupa.
Sa kabilang dako, nakabandera naman ang yellow warning sa Catanduanes kaya’t pinaghahanda rin ang mga residente na nasa low-lying areas sa mga pagbaha.
Tuloy-tuloy namang nakakaranas ng mga mahihina hanggang sa kung minsan malalakas na mga pag-ulan ang Masbate kabilang na ang Burias at Ticao Islands.
Una nang inihayag ng PAGASA na hanggang bukas pa ang mga nararanasang pag-ulan dulot ng tail-end of a frontal system.