LEGAZPI CITY- Nanawagan ngayon ang mga evacuees na nasa Mayon Unit Area sa bayan ng Camalig para sa dagdag na relief supply.

Ito ay matapos na ireklamo ng mga residente ang mabagal umanong kilos ng mga local disaster risk reduction and management officials sa pamimigay ng mga kinakailangang tulong.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Punong Barangay Purisima Nocedo ng Brgy. Cabangan, hinaing ng mga residente na mula noong Sabado na unang nagkaroon ng phreatic eruption, tatlong kilong bigas pa lamang umano ang natatanggap ng mga evacuees.

Kaugnay nito, mismong ang mga barangay officials na ang nagbigay ng pansuporta sa relief operation sa pagdistribute ng tigda-dalawang kilong bigas.

Sa kabila nito, aminadong kulang at hindi kakayanin ang pagsustain dito lalo na’t mababa lamang ang standby calamity fund ng mga barangay gayundin ang Internal Revenue Allotment (IRA) sa kauumpisa pa lamang na taon.

Sa ngayon, panawagan nila ang pag-expedite ng proseso sa relief distribution lalo na’t nasa state of calamity na ang buong Albay.