LEGAZPI CITY—Nakaranas ng pagkahilo ang iilang estudyante habang ang iba ay nawalan ng malay matapos ang nangyaring ang lindol nitong Biyernes, Oktubre 10 sa bayan ng Polangui sa lalawigan ng Albay.

Matatandaang niyanig ng magnitude 7.4 na lindol ang Davao Oriental noong Oktubre 10 bandang 9:43 ng umaga at naramdaman din ito sa ilang lugar sa Visayas at Luzon.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Polangui Head Socorro Sambitan, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, agad na nirespondehan ng Quick Response Team ang anim na estudyante at binigyan ang mga ito ng paunang lunas.

Aniya na pagkatapos ng lindol, naglabas din ng advisory ang kanilang tanggapan na suspendido ang klase para sa kaligtasan ng mga estudyante.

Dagdag pa ng opisyal, dahil sa isinagawang earthquake drills, alam na ng mamamayan sa kanilang lugar kung ano ang dapat gawin sa mga naturang pangyayari.

Wala rin umano silang natanggap na ulat ng pinsala o bitak sa mga gusali sa panahon ng nasabing lindol.

Sinabi ni Sambitan na pagkatapos ng lindol, agad na sinuri ng kanilang tanggapan at ng Bureau of Fire Protection ang mga imprastraktura sa bayan.

Samantala, mensahe ng opisyal sa publiko na manatiling kalmado sakaling magkaroon ng lindol, gayundin na seryosohin ang simulation exercises o earthquake drill upang maiwasan ang karagdagang pinsala o pagkasira na maaring idulot nito sa komunidad.