LEGAZPI CITY – Nagdeklara na ng public health disaster emergency ang gobernador ng Alaska, USA sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 kahit iisa pa lamang ang kumpirmadong kaso ng sakit sa estado.
Matatandaang isang cargo pilot ang unang kumpirmadong kaso ng sakit sa lugar.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Jesse Vizcocho, ipinag-utos na rin aniya ang pagbabawal sa mga bisita sa ilang pasilidad gaya ng Department of Corrections, Military Youth Academy at iba pa.
Pinalawig na rin ang spring break kung saan inatasan ang mga mag-aaral na umuwi sa kanilang mga tahanan at kinansela na ang mga misa sa simbahan.
Sa kabila nito nananatili aniyang normal ang pasok at transaksyon sa mga opisina subalit mahigpit na ipinapatupad ang proper hygiene.
Dagdag pa ni Vizcocho na nagkakaubusan na rin ng supply ng ilang pangunahing bilihin gaya ng bigas, gayundin ang alcohol, sanitizers at tissue.
Samantala, ipinasara na rin ang ilang borders sa Alaska upang malimitahan ang mga taong papasok sa naturang estado dahil sa banta ng COVID-19.