LEGAZPI CITY- Iniulat ng ilang mga residente mula sa Barangay Puting Sapa at Barangay Buraburan ang amoy asupre na mula sa Bulkang Bulusan.
Ito ay kaugnay ng tumataas na aktibidad ng naturang bulkan, na kasalukuyan ay nasa alert level 1 na.
Ayon kay Sorsogon Provincial Government Spokesperson Dong Mendoza sa pamayam ng Bombo Radyo Legazpi na dahil sa banta ng naturang bulkan ay inihahanda na ng pamahalaang panlalawigan ang mga contingency measures kung sakaling sumabog ang bulkan.
Sa kasalukuyan ay inihahanda na umano ang mga evacuation centers na maaaring pagdalhan ng mga ililikas na residente, lalo na mula sa Barangay Puting Sapa na isa sa pangunahing naaapektuhan ng aktibidad ng bulkang Bulusan.
Naka standby na rin aniya ang mga personnel at mga rescue vehicles na maaaring gamitin ng mga maaapektuhan na lokal na pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Mendoza na isa pa sa mga binabatayan nila ay ang epekto ng ashfall dahil posible umano itong maka apekto sa biyahe ng mga sasakyan na patungo sa dalawang pangunahing pantalan sa lalawigan.
Kabilang dito ang Matnog port at pantalan ng Bulan, kaya mahalaga ang mabilisan na paglilinis ng mga kalsada kung sakaling naapektuhan ng ashfall.











