LEGAZPI CITY- Nawalan ng supply ng kuryente ang ilang bahagi ng Old Airport Road sa Barangay Cruzada, Legazpi City matapos bumangga ang isang sasakyan sa pader ng isang bahay at nahagip ang isang poste ng Albay Electric Cooperative.
Nabatid na nagtungo na rin sa lugar ang mga tauhan ng ALECO upang magsagawa ng pangunahing mga hakbang.
Ayon sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Legazpi na sakay ng naturang sasakyan ang isang lalaki at dalawang babae na agad naman na itinakbo sa pagamutan.
Batay sa unang pagsisiyasat, mula sa lungsod ng Legazpi ang naturang sasakyan at patungo sana sa bayan ng Daraga ng mangyari ang insidente.
Inaalam pa sa ngayon kung ano ang sanhi ng naturang aksidente.
Samantala, inabisuhan naman ng Daraga Municipal Police Station ang mga motorista na iwasan muna ang naturang bahagi ng kalsada at dahil sa pangamba na tuluyang bumagsak ang poste ng kuryente.