LEGAZPI CITY- Kusa ng lumikas ang ilang mga residente sa lalawigan ng Albay na nananatili sa mga low lying areas bilang paghahanda sa posibleng epekto ng tropical storm Nika.

Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office Officer in Charge Engineer Dante Baclao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi tila natuto na ang mga ito dahil sa karanasan noong nakalipas na bagyong Kristine.

Sa kasalukuyan ay nagpalabas na rin ang pamahalaang panlalawigan ng Albay ng abiso sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa activation ng local disaster operation center at suspensyon ng face-to-face classes sa mga lugar na may nakabanderang tropical cyclone wind signal.

Sinabi ng opisyal na binabantayan ngayon ang sitwasyon ng panahaon kung kinakailangan na magpatupad ng forced evacuation sa ilang mga lugar.

Samantala, siniguro naman ni Baclao na sapat pa ang disaster response fund ng lalawigan lalo na ngayon na nagpapatuloy ang pagbuhos ng tulong para sa Albay.

Nagpaalala rin ang opisyal sa publiko na maging alerto at handa upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.