LEGAZPI CITY – Nahaharap ngayon sa malaking problema ang Catanduanes na abaca capital of the Phlippines dahil sa bagsak na industriya ng naturang produkto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi ki Bert Lusuegro, Provincial Fiber Officer ng Philippine Fiber Industry Development Authority Catanduanes, may mga dating abaca workers ang naghahanap na lang ng ibang trabaho dahil hindi na sapat ang kinikita sa abaca.

Aniya, epekto na ito ng tatlong taon na pandemya ng COVID-19 kung saan bumagsak ang demand ng produktong abaca kaya’t bagsak din ang kita.

Lalo na ngayon na karamihan sa mga customer ay high quality abaca na ang binibili, bagay na hindi kayang ma-produce ng ibang abaca workers kung kaya’t hindi na nagawang makipagsabayan pa.

Kaugnay nito, upang muling mai-angat ang industriya, nagsanib pwersa na ang Philippine Fiber Industry Development Authority at Department of Science and Technology sa pagbili at pagbibigay ng mga makabagong kagamitan sa paggawa ng abaca na magagamit ng mga abacaleros.

Maging ang Department of Labor and Employment ay naglunsad na ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantatge/Displaced Workers upang matulungan sa pinansyal ang mga nagtatrabaho na sektor.