LEGAZPI CITY- Target ngayon ng atleta mula sa lalawigan ng Sorsogon na maibulsa ang ikatlong gintong medalya nito sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2024.
Ito matapos masungkit ni Rose Jane Barcelona ang dalawang gold medals sa long jump at triple jump.
Binasag rin nito ang record sa long jump na naitala noong 2019 sa Davao City na nasa 5.08 meters matapos makapagtala ng 5.17 meters sa elementary level.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa coach nito na si Melvin Balaoro, target pa umano nila na muling masungkit ang isa pang gold medal sa 100 meter dash na gaganapin bukas.
Aminado ito na kahit dalawang gold medals na ang nai-ambag para sa Bicol Vulcans ay hindi pa rin sila nagpapaka kampante at patuloy ang ginagawang paghahanda.
Samantala sa panayam naman kay Barcelona, sinabi nito na ginagawa niya ang kaniyang makakaya upang makatulong sa kaniyang pamilya.
Nagpasalamat naman ito sa mga tao na patuloy na sumusuporta sa kaniya at hangad na makapagbigay pa ng karangalan para sa rehiyong Bicol.