LEGAZPI CITY – Nanawagan ang non-profit research institution na IBON foundation sa gobyerno na gumawa na ng sariling cybersecurity technology.
Kasunod ito ng nangyaring malawakang global IT outage na nakaapekto sa mga bansang Estados Unidos, Australia, Dubai, India, Spain, United Kingdom at maging sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sonny Africa ang Executive Director ng Ibon Foundation, matagal na nilang ipinapanawagan sa gobyerno na gumawa ng sariling firm na magbibigay ng cyber security sa bansa.
Sa ngayon kasi ay umaasa pa ang Pilipinas sa mga cyber security firms na nakabase sa ibang bansa, na isang malinaw na banta para sa ating digital technologies.
Suhestiyon nito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makipagpartner sa mga dayuhang kompanya na nag-ooperate sa Pilipinas upang magkaroon ng kaalaman ang mga eksperto sa ating bansa.
Binigyang diin rin ni Africa na kailangang gumawa na ng hakbang ang ating upang makasabay ang Pilipinas sa mabilis na umuunlad at nagbabagong teknolohiya.