LEGAZPI CITY -Pabor ang IBON Foundation na patalsikin sa pwesto ni Larry Gadon bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation matapos nitong tawagin na haka-haka lamang ang kahirapan sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, maituturing umanong pang-iinsulyo ang sinabi ni Gadon sa milyones na Pilipinong nakakaranas ng matinding kahirapan.
Iginiit nito na hindi dapat palagpasin ang pahayag ng naturang opisyal at mabigyan ng aksyon ng MalacaƱang.
Paliwanag ni Africa na nakakalungkot na wala pang pinapalabas na pahayag ang administrasyon partikular na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi aniya maipagkakaila ang nararamdamang kahirapan sa bansa lalo pa at lumabas sa tala ng Philippine Statistics Authority na milyun-milyong mga Pilipino ang nananatiling mahirap at walang hanap buhay.
Dagdag pa ni Africa na kinakailangang magtalaga si Pangulong Marcos ng bagong Presidential Adviser for Poverty Alleviation na mas karapat-dapat sa posisyon, kung talagang seryoso ito sa pagbibigay ng solusyon sa kahirapan.